top of page
The forthright (1).png

"Abakadaigaha, Gusto ko Bumasa"


"Mahirap, mang-mang at hanggang dito lang."

Iyan ang araw-araw na naririnig ni Nenang.

Sa murang edad, maagang naging magulang.


"Inay, anong tawag diyan?"

tanong ng sampung taong gulang na si Bryan.

Utal-utal na pinipilit binabasa ang nasa larawan.

Imahe ng mamahaling pagkain sa restawran.

"Manok?" sagot ni Nenang na tila walang kasiguraduhan.

"Halika na, doon na tayo sa may simbahan."


Sumunod si Bryan, habang nakahawak sa saya ng ina.

Napuna niya ang mga batang galing sa eskwela.

"Inay, gusto ko din maging kagaya nila."

Napahinto si Nenang sa pagdarasal ng malaking biyaya,

"Huwag na, maraming oras lang ang maaaksaya."

Tumulo ang luha ni Bryan dahil sa sinabi ng ina.


"Abakadaigaha, gusto ko bumasa."

Mga letra na parang mga guhit at walang halaga.

Hirap na matuto sa librong napulot sa basura.

Nangigibabaw ang takot ni Nenang sa pangungutya,

Sampung taong gulang sa unang baitang na bata,

Abakada, iba't ibang salita

Iba-iba ang kanyang makakasalamuha,

bubuhusan nang tawa o 'di kaya'y awa.

"Abakada, para sa kinabukasan niya."

"Sige, bukas. Maghanda ka, pupunta tayo ng eskwela."


Papasok sila nang marahan,

Lahat sila pinagmamasdan,

"Bawal kayo rito sa eskwelahan."

Puna ng gwardya habang nagsesenyas patungong labasan.

Sa maiksing paliwanagan,

Utal-utal na naman si Nenang.

"Gusto ko po mag-aral!"

Sigaw ng batang si Bryan.

"Gusto ko matuto at magkaroon ng kaalaman."

"Abakadaigaha palang ang aking natututunan."

"Gusto ko makatulong at hindi matawag na mang-mang."

"Gusto ko mabasa, ang mamahaling pagkain sa isang restawran."

"Gusto ko makabasa, para makatulong sa aking magulang."

May luha sa mata ni Nenang,

"Ang pangalan ko ay Bryan."

"Alam kong bigkasin, pero hirap akong isulat."

"Bilang bata, isa 'to sa aking mga karapatan."

"Abakada, tulungan niyo ang nangangailangan."


Ilang taon na siyang pumapasok sa paaralan,

Palaging may pasalubong na aral para sa kanyang Mama Nenang.

Naituro na ang ilang letra, pagbasa ng ingles at marami pang iba.

Bukod sa abakadaigaha, natuto si Nenang sa tulong ng anak niya.

"Walang edad ang pagkatuto sa mga bagay, Nay."

"Salamat sa pagdala sa akin sa eskwela, kahit ang hirap ng buhay."

May luha sa mata ni Nenang habang nagsasampay.

"Pangarap kong maging guro,

para makapagturo."

Nakapaglimbag ng akda,

Libro para sa mga bata.


Sa hindi inaasahan, sakit na malubha ay tumapos kay Bryan.

"Mahirap, mang-mang at hanggang dito lang."

Hindi na naririnig ni Nenang,

'Pagkat natuto na siya sa tulong ni Bryan.


Marami pang lumapit at nagpahayag,

"Si Sir Bryan ang aming naging sagisag."

"Ang kaalaman ay walang hangganan.

Walang edad o kasarian ang pwedeng humadlang,

Maraming nadidiskubre sa ilang buklat ng pahina lamang."


Note: This original composition won first place in the Spoken Poetry Competition held during the 2022 Division Culminating Activity - Araw ng Pagbasa held on November 25, 2022 at SDO – Conference Hall, Daet, Camarines Norte

Commentaires


bottom of page